Inihayag ng senior British minister na nagsimula na ang paglusob ng Russia sa Ukraine.
Dahil dito, magpapatupad na umano ng parusa ang Britain laban sa Russia, matapos na magpatawag na si Prime Minister Boris Johnson na siyang chairman ng emergency government, ng pulong kaugnay sa krisis sa Ukraine.
Sa gitna nito, ipinag-utos ni Russian President Vladimir Putin ang deployment ng mga tropa sa dalawang breakaway regions sa eastern Ukraine, matapos na kilalanin ang mga ito bilang independent.

Batay sa mga nakasaksi, may mga tanke at iba pang military hardware na umiikot sa separatist-controlled city ng Donetsk.
Dahil dito, sinabi ni British Health Secretary Sajid Javid na maikokonsidera nang nagsimula na ang invasion sa Ukraine. //MHEL PACIA-TRINIDAD