Mariing kinondena ni House Speaker Martin Romualdez ang ginawang pagbabanta ng China na aarestuhin ang mga dayuhan na magtutungo sa inaangkin nitong West Philippine Sea na nasa exclusive economic zone ng Pilipinas.
Ayon kay Romualdez, ang agresibong pahayag ng China ay nagpapalala lamang ng tensyon sa WPS.
Nilalabag aniya ng unilateral actions ang international law at ang mga naitaguyod na “norms” na gumagabay sa Pilipinas at iba pang mga bansa na may inaangkin ding teritoryo sa South China Sea.
Punto ni Romualdez, dapat igalang ng China ang arbitral ruling na kinikilala ng mga bansa at nagsasabing ang Pilipinas ang may karapatan sa WPS.
Hindi umano kukunsintihin ng Kamara ang anumang panghuhuli sa mga mangingisda at iba pang Pinoy sa loob ng EEZ.
Dagdag pa nito, walang takot na ipagtatanggol ng lehislatura ang soberanya at titiyakin ang kaligtasan at karapatan ng mamamayan.
Batay sa ulat ng South China Morning Post, binigyan umano ng Chinese government ng kapangyarihan ang Chinese Coast Guard upang hulihin ang sinumang papasok sa binabantayan nitong karagatan kasama ang mga pinag-aagawang teritoryo.