Rice Tariffication Law, target na maipasa sa committee level sa Kamara sa susunod na linggo

Ibubuhos na ng mga kongresista ang kanilang panahon upang madaliin ang pag-apruba sa mga panukalang batas na mag-aamiyenda sa Rice Tariffication Law at agad maramdaman ang pagbaba ng presyo ng bigas.

Ayon kay Nueva Ecija Representative Mikaela Suansing, target ng House Committee on Agriculture and Food na maipasa sa panel ang mga panukala sa susunod na linggo at mabilis na maisalang sa plenaryo.

Kung titingnan kasi aniya ay nagsisilbing main drivers ng inflation ang bigas kung saan ang year-on-year increase ay nasa 24.4 percent habang ang month-on-month increase ay 1 percent.

Paliwanag ni Suansing, kapag naisabatas ang amiyenda sa RTL at naibalik sa National Food Authority ang kapangyarihan na magbenta ng bigas sa publiko ay makatutulong ito sa pagpapahupa ng inflation rate.

Bukod pa ito sa “direct impact” na mabibigyan ng access ang consumers sa mas murang bigas.

Kaisa rin si House Deputy Majority Leader Inno Dy sa panawagan na ibalik ang mandato ng NFA dahil nagsisilbi itong safety net at price regulation tool.

Punto ni Dy, posibleng maibaba nito ang presyo ng ibang competitor na bigas sa merkado gaya ng well-milled at premium at higit sa lahat ay mapalalaki ang kita ng mga magsasaka dahil bibilhin ng NFA ang kanilang palay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *