House Ethics Committee, magkakasa ng pagdinig laban kay ex-speaker Alvarez

Kinumpirma ni Ako Bicol Party-list Representative Jil Bongalon na iimbestigahan na ng House Committee on Ethics and Privileges si dating Speaker Pantaleon Alvarez matapos sampahan ng reklamo para sa “disorderly conduct”.

Ayon kay Bongalon, nakitaan ng sufficiency in form at substance ang reklamo ni Tagum City Mayor Rey Uy na paglabag sa Code of Conduct ng House of Representatives at Revised Penal Code.

Ipinaliwanag nito na kabilang sa akusasyon ni Uy ang hindi maipaliwanag na absences ni Alvarez pati na ang umano’y “libelous” na talumpati laban sa bise-gobernador ng Davao Del Norte at iba pang opisyal.

Pangatlo aniya ang “sedition” remarks ni Alvarez na humihikayat sa Armed Forces na bawiin na ang suporta kay Pangulong Bongbong Marcos.

Tiniyak din ni Bongalon na susundin ang procedural due process at bibigyan ng pagkakataon si Alvarez na sagutin ang mga paratang laban sa kanya.

Isisilbi ang notice sa tanggapan ng kongresista upang maghain ng tugon at bibigyan siya ng sampung araw bago magpatawag ng committee hearing para sa deliberasyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *