Resolusyon para ipanawagan sa PhilHealth ang expanded coverage sa bagong dialysis machine, inihain sa Kamara

Naghain si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo ng resolusyon na humihimok na i-adopt at palawakin ang coverage ng Philippine Health Insurance Corporation sa pinakabagong dialysis machine para sa kidney patients.

Batay sa House Resolution Number 1789, nais ni Tulfo kasama ang apat na kongresista na isama sa PhilHealth coverage ang automated peritoneal dialysis upang bumuti ang kalidad ng buhay ng mga nakararanas ng Chronic Kidney Disease.

Pagagaanin aniya ng dialysis machine ang buhay ng milyun-milyong pasyente lalo na ang mga nagtatrabaho dahil maaari itong gamitin kahit nasa bahay at natutulog.

Ipinaliwanag ni Tulfo na hindi na kailangang lumiban sa trabaho at gumastos ng pasahe patungo sa ospital o dialysis center para sa lingguhang dialysis.

Binanggit ng mga mambabatas sa resolusyon na ang Chronic Kidney Disease ay nagiging public health concern na sa bansa kung saan nagsisilbing pangsalba ng buhay ang hemodialysis at peritoneal dialysis.

Sinasabing “flexible” ang bagong dialysis machine dahil maaaring maging independent ang pasyente at may potensyal na mapabuti ang cardiovascular health.

Bukod dito, ipinunto ni Tulfo na ang automated peritoneal dialysis ay gumagamit ng advanced technology at base sa pag-aaral ay napapaganda ang patient outcomes kabilang ang reduced peritonitis rates at blood sugar control.

Kaya naman hinihimok ng mga kongresista ang Department of Health na bumuo at magpatupad ng national program para itaguyod ang adoption ng APD bilang treatment option para sa CKD patients at sa PhilHealth upang i-review ang coverage.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *