Hiniling ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, Chairperson, Senador Ronald Bato Dela Rosa sa kanyang committee secretariat na padalhan ng imbitasyon si Kabataan partylist Representative Raoul Manuel para sa kanilang susunod na pagdinig.
Kasunod ito sa naging mungkahi ng dating miyembro ng New People’s Army (NPA) na si Kate Raca na imbitahan din ito upang magkaroon ito ng pagkakataon na depensahan ang kanyang sarili mula sa mga alegasyong kanyang binanggit.
Ayon kase kay Raca, nakasama niya noong 2017 si Manuel sa pagre-recruit ng mga kabataan sa communist party habang ito ay student regent.
Bilang tugon, bagamat nirerespeto umano ni Dela Rosa ang interparliamentary courtesy na mayroon ang mataas at mababang kapulungan ay gusto niyang mabigyan ng pagkakataon si Manuel na makapagsalita.
Ngunit paglilinaw niya, tulad ng kanyang ginawang pagliban sa imbitasyon ng Kamara ay maari ring hindi dumalo si Manuel dito na tantiya niyang gagawin naman nito.