Matapos ang turn-over ng Ninoy Aquino International Airport sa New NAIA Infrastructure Corp., inaasahan na lilikha ito ng nasa limamput walong libong trabaho para sa mga Pilipino.
Ayon kay NNIC Chairman Ramon Ang, ang privatization ay isang mahalagang pamumuhunan para sa bansa dahil ang world-class na paliparan ay nangangahulugang mas maraming trabaho, at isang mas maunlad na Pilipinas.
Sa oras naman na matapos ang rehabilitasyon, inaasahang tataas ang bilang ng mga turista sa bansa dahil tataas sa animnaput dalawang milyong pasahero ang kapasidad ng paliparan.
Tataas din ang air traffic movements sa apatnaput walong movement kada oras mula sa dating apatnapu kada oras.
Bukod dito, inaasahan din ang mas magandang serbisyo at pagsunod sa mga pamantayan ng International Civil Aviation Organization.
Sa loob naman ng 15-taong concession agreement, inaasahang kikita ang gobyerno ng siyamnaraang bilyong piso.
Kasama sa mga inaasahang pagbabago ang dagdag na aircraft parking bays, mas maraming parking slots para sa mga sasakyan, world-class na sistema at teknolohiya, mas maraming food and beverage at retail options, at mas maginhawang land transport connectivity.