Nakasisiguro si House Speaker Martin Romualdez na magsisilbing instrumento ng pagtulong sa mahihirap ang tatalakayin at aaprubahang panukalang pambansang budget sa susunod na taon.
Ayon kay Romualdez, susuportahan nito ang “Agenda for Prosperity” at mga programa sa ilalim ng “Bagong Pilipinas” lalo’t dito manggagaling ang social protection, financial aid at medical programs gayundin ang pagpapababa sa presyo ng pagkain partikular ang bigas.
Umaasa rin si Romualdez na masusuportahan ng national budget ang mga magsasaka at mangingisda na mapataas ang kanilang harvest na magpapasapat sa suplay ng pagkain.
Ang proposed spending program aniya ay magsisilbing roadmap sa pagpapalawak ng imprastraktura at susuporta sa edukasyon sa pamamagitan ng pagtatayo ng mas maraming road networks at silid-aralan.
Bukod dito, naniniwala ang Speaker na sa tulong ng 2025 budget ay mapapanatili ang paglago ng ekonomiya na target ilagay sa anim na porsyento o higit pa alinsunod sa forecasts ng international lending institutions.