Regular monitoring sa mga agricultural supplies, isasagawa ng FPA REGION 2 upang masawata ang mga nagbebenta ng smuggled pesticides

Magsasagawa ang Fertilizer and Pesticides Authority Region 2 ng regular monitoring and inspection sa mga agricultural supplies sa rehiyon upang masawata ang mga nagbebenta ng smuggled pesticides mula sa Thailand at hindi rehistradong mga fertilizers.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay FPA Region 2 OIC Regional Manager Leonardo Bangad, ito rin aniya ang magiging hakbang upang mabigyan ng lisensya ang mga produktong pesticides na ibinebenta sa merkado.

Kaugnay dito, nagkakaroon din ng information and education campaign at training para sa ligtas na paggamit ng pesticides at iba pa.

Sa ganitong paraan aniya ay hindi lamang sa pagtatanim nakatuon ang mga magsasaka kundi maging sa pagproduce ng pagkain na mababa ang pesticides residue upang maging ligtas ang mga konsyumer.

Read More:  Doctor robbed by riding-in-tandem suspects in Bacolod

Magugunita na nagbabala ang FPA Region 2 sa mga magsasaka na huwag tangkilikin ang mga smuggled pesticides mula sa bansang Thailand at Taiwan maging ang mga hindi rehistradong fertilizers.

Aniya, kadalasan umano itong ibinebenta sa mga magsasakang nagtatanim ng gulay sa Nueva Vizcaya, Benguet at Nueva Ecija.

Hindi aniya ito dumadaan sa inspeksyon ng FPA at direktang ibinebenta sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon pa kay RM Bangad, mahalaga na tignan ng mga magsasaka ang label ng pesticides na gagamitin kung nababasa ang direction to use nito, lisensyado ng FPA, target pest control, pre-harvest interval at paraan ng paggamit nito.

Read More:  NPA regional committee in Caraga collapses as remaining members surrender

Maaring makasama aniya ang nasabing mga pesticides sa kalusugan ng tao dahil ang mga tanim na gulay na ginagamitan nito ay maaaring mataas ang pesticides residue.

Dagdag pa niya, matagal na umanong may nagbebenta ng mga smuggled na pestisidyo ngunit hindi nahuhuli at ngayo’y lumala pa aniya dahil marami na ring naglipana na mga local pesticides na walang label at hindi dumadaan sa pagsusuri ng FPA.

Samantala, ang mga mahuhuliang nagbebenta ng smuggled pesticides maging ng mga hindi rehistradong fertilizer ay maaring makasuhan sa paglabag sa PD 1144.