Arestado ang isang magsasaka na iligal na gumagawa ng mga baril matapos ang implementasyon ng search warrant ng PNP City of Ilagan at Provincial Explosive and Canine Unit ng Isabela Police Provincial Office sa Barangay Sta. Isabel Sur, City of Ilagan.
Kinilala ang nadakip na si Bernaldo Sison Fenix, 44 anyos at residente rin sa nabanggit na lugar.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PLTCOL Virgilio Vi-Con Abellera Jr., ang hepe ng PNP Ilagan City, sinabi niya na nakatanggap umano sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen na ang suspek ay gumagawa ng mga baril sa mismong bahay nito.
Agad namang ikinasa ang operasyon kung saan narekober ang isang caliber 38 na baril na may tatlong bala at isang improvised shotgun na may tatlong bala, dalawang caliber 22, dalawng kalibre 22, isang caliber 45 at anim na bala ng caliber 22.
Nakuha rin ang apat na short magazine at dalawang pirasong long magazine; dalawang homemade shotgun barrel; dalawampung piraso ng steel tube na may iba’t ibang sukat; tig-isang piraso ng plywood pattern ng shotgun at steel molder; at tig-dalawang piraso ng electric drill at electric sander.
Ayon kay PCol. Abellera, isang unregistered gunsmith ang suspek at wala rin umanong maipakitang kaukulang dokumento ng mga nasamsam na baril.
Batay aniya sa kanilang pakikipag-ugnayan sa suspek, ang mga narekober na mga baril ay ipinapaayos sa kaniya at kung hindi umano niya kakilala ang mga magpapaayos ay hindi siya mismo ang tumatanggap kundi may mga inuutasan siyang ibang tao.
Natutunan umano nitong magkumpuni at gumawa ng baril mula sa kaniyang namayapang ama.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ng karagdagang imbestigasyon ang pulisya upang malaman kung nagamit ang mga narekober na baril sa mga krimen at kung sino ang nagmamay-ari ng mga nakumpiskang armas.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Ilagan City Police Station ang suspek ng nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Photo: PRO2