LEGAZPI CITY – Bago pa man nagsimula ang campaign period, nakapagsagawa na ang Regional Maritime Unit 5 ng security preparation sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) 2023 sa Bicol Region.
Ayon kay PCMS. Larry Ayende, handa na ang kanilang mga maritime personnel sa pag-deploy sa iba’t ibang lugar o isla upang makapagbigay ng suporta sa mga local police station sa rehiyon.
Aabot sa mahigit 100 ang ipapadala ng RMU kasabay ang mga gagamiting equipment tulad ng high speed tactical boat na ide-deploy sa Masbate, Camarines Sur at ilang bahagi ng rehiyon.
Tungkulin ng maritime police na bigyan ng asistensya ang mga botante upang sila ay makapagboto sa araw ng eleksyon.
Maliban pa rito, katuwang din ng mga ito ang Philippine Coast Guard at Philippine Navy para mapanatili ang kaayusan, ligtas, tahimik at seguridad ng mga botante.
Sinabi pa ni Ayende, mas bibigyan nila ngayon ng atensyon ang mga lugar na nasa area of concerns.