Malapit na umanong makamit ang pagiging drug cleared sa mga barangay sa buong lambak ng Cagayan ayon kay PDEA Region 2 Regional Director Joel Plaza.
Sa datos na ibinahagi ni RD Plaza sa kanilang ginagawang Barangay Drug Clearing Program, mayroon na lamang 16.48% o katumbas ng 381 mula sa kabuoang 2, 311 barangays sa rehiyon ang apektado ng iligal na droga.
Sa lalawigan ng Batanes ay may dalawa (2) pang barangay ang apektado na naisailalim na sa deliberation at inaasahang ngayong taon ay maibabalik sa listahan ng drug cleared barangays.
Nasa 204 barangay naman sa Cagayan kung saan sa kasalukuyan ay pinaiigting na ang kampaniya sa lalawigan katuwang ang PNP upang maabot ang target na 90% barangay ang ma-clear ngayong taon.
Habang 96 naman sa Isabela, 13 sa Santiago City, 66 sa Nueva Vizcaya at zero naman sa Quirino Province.
Sinabi pa ni RD Plaza na ilan sa mga barangay na apektado ay na-deliberate na habang ang mga nauna nang naideklarang drug-cleared ay nagpapatuloy ang validation upang matiyak na naipagpatuloy ng mga ito ang implementasyon ng naturang programa.
Ayon pa sa director malaki ang tulong ng ibang ahensya sa kakulangan ng manpower ng PDEA sa kampaniya kontra iligal na droga.
Nagpapatuloy din aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, barangays at sa komunidad para sa sustainability ng mga programa ng PDEA upang mapuksa ang problema sa illegral drugs.