R. Kelly, guilty sa patong-patong na kaso ng pang-aabuso

Na-convict ang singer na si R. Kelly sa patong-patong na kaso ng pang-aabuso kabilang na ang racketeering na pinakaseryoso sa lahat ng mga akusasyon na kinahaharap nito.

Matapos ang anim na linggong pagsisiwalat sa ilang nakababahalang mga testimonya, ay nagdesisyon ang New York Jury, matapos lamang ang siyam na oras na deliberasyon, na hatulan ng guilty ang nakakulong na 54-anyos na celebrity.

May kinalaman ang mga kaso ni R. Kelly sa pag-recruit sa mga kababaihan at teenagers para sa pakikipagtalik, at brutal na pang-aabuso sa kanila.

Sa paglilitis ay makikita si Kelly na halos hindi gumagalaw sa kaniyang kinauupuan habang nakayuko ang kaniyang ulo, at maya’t-maya ay pumipikit sa likod ng kaniyang black-rimmed glasses.

Dahil sa desisyon ay mahaharap si R. Kelly sa habambuhay na pagkakakulong.

Samantala, kinokonsidera na ng kampo ni Kelly ang paghahain ng apela, habang nahaharap pa ito sa tatlong prosecution sa tatlong magkakaibang jurisdictions, kabilang na sa illinois federal court.

Mababatid na matagal nang may mga alegasyon ng pang-aabuso laban kay Kelly, na kilala sa mga hits nito tulad ng “I Believe I Can Fly” noong 1990’s, ngunit iniwasan niya lamang ito sa loob ng maraming dekada.