Pacquiao, kinumpirma na titigil na sa boxing

Kinumpirma na mismo ni Senator Manny Pacquiao na titigil na siya sa pagbo-boxing.

Ito ang paglilinaw ni Pacquiao nang matanong siya ng local media ng Cebu City kaugnay sa totoong status ng kaniyang career.

Sinabi ni Pacquiao na permanente na ang pagreretiro niya sa boxing matapos ang kaniyang matagumpay na karera sa nasabing larangan sa loob ng halos tatlong dekada.

Kung maalala ay sinabi ni Pacquiao sa interview sa kaniya ni Toni Gonzaga na “tapos na” ang kaniyang boxing career bilang sagot sa tanong kung lilisanin na ba nito ang naturang sport kapag nagwagi ito sa eleksyon sa 2022.

Tiniyak naman ni Pacquiao na itutuloy niya ang suporta niya sa mga boksingero upang magkaroon ng mga panibagong kampeon ang Pilipinas.

Gayunman, sa kabila ng rebelasyon ni Pacquiao ay agad iginiit ng right-hand man nito na si Sean Gibbons na hindi pa opisyal na nagreretiro ang senador mula sa boxing.

Ipinunto ni Gibbons na hangga’t walang nakikita na pahayag sa Twitter o Instagram ni Pacquiao ay hindi pa ito makokonsidera na retirado sa boxing.