Kinumpirma ni House Committee on Human Rights Chairman Bienvenido Abante Jr. na ipagpapatuloy nila ang pagsasagawa ng Quad Committee hearings kahit naka-recess ang Kongreso.
Ayon kay Abante, nais nilang matukoy ang sukdulan ng magkakaugnay na isyu ng Philippine Offshore Gaming Operators, ilegal na droga, money laundering at extrajudicial killings sa ilalim ng nagdaang administrasyon.
Mahalaga aniya ito lalo’t nakita na ng mega-panel na mayroong mga dating heneral ng Philippine National Police na sangkot sa sindikato.
Paliwanag nito, hindi masusugpo ang problema sa ilegal na droga hangga’t hindi nabubuwag ang mga opisyal na nasa likod o may kaugnayan dito.
Iginiit pa ni Abante na kailangan pa nila ng panahon upang maungkat ang lahat ng kailangang maibunyag.
Dapat umanong matapos ang trabaho dahil magiging abala na ang lahat sa filing ng certificates of candidacy para sa 2025 elections.