Sugatan ang isang myembro ng Traffic Enforcement Unit ng Cotabato City PNP na kinilalang si PCpl. Mohammed Ersad Ampatuan matapos na pagbabarilin sa intersection ng Sinsuat Avenue at Quezon Avenue ng lungsod alas 6:26 ng gabi kagabi.
Sa panayam ngayong umaga ng Brigada News FM Cotabato kay City PNP Spokesman Lt.Col.Carmelo Mungkas, biglang pinaputukan ng suspek sa likod si Ampatuan na dahilan para magtamo ng tama ng bala sa kanyang katawan.
Nagawa namang balikan ni Ampatuan ang suspek at nabaril ito dahilan para matumba sa sinasakyang motorsiklo at napilitan ang suspek na mang-agaw ng motorsiklo gamit sa kanyang pagtakas.
Samantala, nasa kostudiya na ng City PNP ang motorsiklo na minamaneho ng sugatang suspek kasabay ng panawagan ng kapulisan na sumuko na ito bago pa mahuli ang lahat dahil baka maubusan ito ng dugo.(Jom Dimapalao)