Sang-ayon si CIBAC Party-list Representative Eddie Villanueva sa panukala ng Commission on Elections na ilathala ang Statements of Contributions and Expenditures o SOCE ng mga kandidato sa 2025 midterm elections online.
Ayon kay Villanueva, palalakasin nito ang transparency at accountability sa election system kapag ginawang accessible sa publiko ang SOCE.
Sa pamamagitan nito ay mabubusisi aniya nang mabuti ng publiko kung sino ang gumagastos para sa kampanya ng mga kandidato.
Iginiit din ng kongresista na malalaman ng taumbayan kung saan nagmumula ang campaign funds at kung lehitimo ito.
Paliwanag pa ni Villanueva, magkakaroon ng ideya ang mga botante kung anong mga interes ang papanigan ng mga kandidato kapag naluklok na sa puwesto.
Mababatid na sa isang panayam ay inihayag ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na isusulong niya sa en banc session ang online publication ng SOCE upang kahit paano ay mapagsilbihan nila ang interes ng publiko at maitaguyod ang transparency.