CAMARINES NORTE- Itinuturing ng Philippine Statistics Authority (PSA) na naging matagumpay ang ginawang Population Census noong nakaraang taon sa kabila ng mga problemang dulot ng COVID- 19 pandemic.
Sa isang pahayag, nagpasalamat si Camarines Norte PSA Chief Statistical Specialist Maria Dulce Padayao sa publiko dahil umano sa suporta at kooperasyong ibinigay ng mga ito na sa kabila ng pandemya ay matagumpay pa ring nakuha ng kanilang mga enumerators ang mga kinakailangang datos hinggil sa populasyon ng lalawigan.
Matatandaang opisyal na prinoklama ni Pangulong Rodrigo Duterte ang populasyon ng bansa noong unang linggo nitong buwan na umabot na sa 109, 035, 343.
Sa lalawigan ng Camarines Norte naitala ang kabuuang 629, 699 na populasyon o tumaas ng nasa 46, 386 na katao mula sa 583, 313 noong 2015.
Nangangahulugan ito na nakapagtala ang lalawigan ng nasa 1. 62 percent annual Population Growth Rate (PGR) na pinakamataas sa anim na lalawigan sa Bicol.
Sa labingdalawang bayan ang Daet na siyang capital town ang nakapagtala ng pinakamalaking populasyon na mayroong 111, 700 na sinunundan ng Labo na may 109, 245 at Jose Panganiban na may 63, 662.
Ang populasyon ng tatlong nabanggit na bayan ay 45 percent ng kabuuang populasyon ng lalawigan.
Sa kabilang dako, pinakamaliit naman ang populasyon sa San Vicente na mayroon lang 12, 579 pero pinakamabilis naman ang annual growth rate sa 4. 09 percent o increase na 2, 183 mula sa 10, 396 noong 2015.

