CAMARINES NORTE- Aprubado na ng Sangguniang Bayan ang ipinasang ordinansa ng Barangay Tuaca sa bayan ng Basud, Camarines Norte na nagbabawal sa mga buntis na uminom ng nakalalasing na alak.
Noong Lunes ay inaprobahan ang naturang ordinansa makaraan ang ginawang rebyu ng komite.
Sa ilalim ng ordinansa hindi dapat uminom ng alak ang mga buntis dahil nagdudulot ito ng masamang epekto sa sanggol habang nasa sinapupunan ng isang ina.
Maaari umanong magkaroon ang sanggol ng tinatawag na Fetal Alcohol Spectrum Disorder o permanenteng pinsala sa utak, kahirapan sa paningin at pandinig, pinsala sa puso, bato atay at iba pang organ at hindi maayos na pagbuo ng ilang parte ng katawan nito.
Kailangan umano ang ibayong pag- iingat mula sa pagbubuntis hanggang sa pagsapit ng araw ng kapanganakan upang magkaroon ng lakas, enerhiya ang isang ina at para maiwasan ang panganib na maaaring mangyari sa oras ng kaniyang panganganak.
Multang mula P350.00 o walong oras na community service hanggang P500.00 o labingdalawang oras na community service ang ipapataw sa sinumang lalabag.
Kung community service, ang asawa, magulang/guardian, kapatid o sinuman na nais maging representative ang mananagot sa penalidad na nagawa ng isang buntis.
Sa isinagawa ring rebyu ng Joint Committee on Health, Sanitation and Social Services gayundin ng Ways and Means ng SB ay pinagtibay ang dalawa pang ordinansa sa nabanggit na barangay.
Ito ay ang kautusang pambarangay ng Tuaca na magkaroon dapat ng palikuran ang bawat samabayahan at ang mahigpit na pagpapatupad sa pagsusuot ng face mask sa mga pampbublikong lugar ngayong panahon ng pandemya.

