BNFM BICOL– Inanunsiyo ng Philippine Statistic Authority o PSA-Albay na patuloy na tumatanggap ng mga aplikante para sa Philippine Identification System o PhilSys ang kanilang registration site.
Ayon kay PSA-Albay Information Officer – Doreh Lee, mula sa halos isang milyon populasyon ng mga Albayano, nasa mahigit 70% na nito ang tapos nang makapag pa rehistro sa Step 2 ng PhilSys.
Mula sa naturang bilang, 128,434 ang napadalhan na ng PSA central office ng kanilang mga National IDs ngunit nasa 94% pa lamang ang mga nakakatanggap.
Matatandaang una nang inulan ng reklamo at hinaing ang nasabing tanggapan hinggil sa mabagal na proseso at pagdating ng mga National IDs.
Ayon sa komento ng ilang netizens, isang taon na umano ang nakalipas nang sila ay magpa rehistro ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin dumadating ang kanilang IDs, salungat sa tatlong buwang proseso na sinasabi ng PSA.
Ganunpaman, patuloy pa rin ang paghikayat ng naturang tanggapan sa publiko na magpa rehistro na sa PhilSys at kung maaari ay magdala ng kanilang sariling ballpen at sundin ang mga umiiraal na health protocols sa mga designadong registration site.###