BNFM BICOL—Naitala ng Bicol region ang pinakamababang new COVID-19 cases kahapon, simula nang maranasan ang surge nito sa pagpasok ng 2022.
Kahapon araw ng Biyernes, umabot lamang sa walo ang mga naitalang bagong kaso ng sakit sa rehiyon kung saan lima nito ang mula sa Camarines Sur partikular sa mga bayan ng Bato na mayroong dalawang kaso at tag-iisa sa mga bayan ng Buhi, Pili at Tigaon.
Nasa dalawang kaso naman ang naidagdag sa lalawigan ng Camarines Norte mula sa bayan ng Labo at Paracale habang may isa naman ang Catanduanes na mula sa bayan ng Virac.
Wala namang naitalang mga bagong kaso ng sakit ang mga probinsya ng Sorsogon, Masbate at Albay.
Bunsod nito, umaabot na sa kabuuang 58,749 ang bilang ng cumulative cases ng COVID-19 sa Bicol kung saan 5,072 sa mga ito ang nananatiling aktibong kaso.
Umabot naman sa 249 ang mga bagong gumaling kung kaya’t nasa 51,558 na ang bilang ng recoveries habang nasa 2,119 na ang death toll makaraang madagdagan ng limang bagong pagkasawi kahapon.###