Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si National Transmission Corporation head at PDP Laban secretary general Melvin Matibag bilang acting Cabinet secretary.
Nilagdaan ng Pangulo ang appointment papers ni Matibag nitong Martes.
Papalitan ni Matibag si Karlo Nograles na naitalaga bilang chairperson ng Civil Service Commission.
Nanumpa na ang nasabing opisyal ng PDP-Laban sa harap ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa Malacañang Guest House noong Miyerkules.
Sa isang pahayag ay nangako si Matibag na tutuparin niya ang kaniyang tungkulin sa mga nalalabing buwan ng administrasyong Duterte.
Sinabi niya na meron pa siyang tatlong buwan para i-oversee ang Cabinet Secretariat.
Iginiit ni Matibag na titiyakin niya na maaksyunan ang mga mahahalagang policy issues ng Pangulo at maayos na maitatatag ang Duterte Legacy.
Ginarantiya rin ni Matibag ang kooperasyon ng Cabinet Secretariat sa paninigurado sa maayos na transition ng kapangyarihan papunta sa incoming president.
