Ukranian actor na si Pasha Lee, napaulat na napatay sa pag-atake ng Russian forces

Napaulat na napaslang mula sa pambobomba ng Russian forces ang Ukranian actor na si Pasha Lee sa bayan ng Irpin na nasa labas ng Ukraine capital na Kyiv.

Ayon sa ulat, sumali ang 33-anyos na Ukranian actor, na residente ng Irpin, sa territorial defence force ng Ukraine sa mga unang araw ng giyera.

Sinabi rin sa report na binomba ng Russian artillery ang Irpin sa loob ng maraming araw na nagresulta sa maraming casualties.

Sa kabila nito ay marami rin sa mga residente ang nakalabas mula sa Irpin at sa north-eastern city ng Sumy noong Martes, bilang bahagi ng evacuation corridor ng Russia habang sila ay papunta sa central city ng Poltava.

Ipinunto sa BBC report na lumabas si Lee sa maraming pelikula habang naging tampok ang boses nito sa Ukranian versions ng The Lion King at ng The Hobbit.

Lumabas rin si Lee sa TV talent shows tulad ng Star Factory at X-Factor.

Ilang araw bago napaslang si Lee ay nagpaskil ito ng link sa social media para sa isang Ukranian refugee charity na nanghihimok sa kaniyang followers na lumapit sa kanila para sa tulong o para mag-volunteer.