Ibinahagi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang huling State of the Nation Address ang ilan sa mga economic gains ng kaniyang administrasyon bago kumalat ang COVID-19 sa buong mundo.
Sa ginanap na SONA nitong Lunes, ay pinasalamatan ng Pangulo ang Kongreso at ang mga revenue generating agencies dahil sa naitala nitong record ng koleksyon, kasabay ng implementasyon ng panibagong tax reform measures sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Binigyang diin ng Punong Ehekutibo na salamat sa Kongreso, at sa ilang revenue-generating agencies, ay napanatili ang ating tax reform at economic growth mula sa ikatlong quarter ng 2016 hanggang sa ikaapat na quarter ng 2019.

Ipinunto ng Pangulo na ito ang dahilan kung bakit naging isa ang Pilipinas sa fast growing economies sa buong Asya, bago nagsimula ang pandemya.
Base sa datos ng Philippine Statistics Authority ay makikita na lumago ang ekonomiya ng Pilipinas ng 7.5% sa third quarter ng 2016, 6.6% naman noong fourth quarter ng 2016; 6.5% noong first quarter ng 2017; 6.4% sa second quarter ng 2017, 5.9% noong first quarter ng 2018, 5.6% noong second quarter ng 2018, 6.3% noong third quarter ng 2018; at 6.6% noong fourth quarter ng 2018.
Gayunman, bumagal na ito simula noong 2019, kung saan ay naitala ang 5.9% sa unang quarter, 5.7% sa second, 6.2% para sa third, at 6.6% naman para sa fourth.
Mababatid na bigo ang Pilipinas na makamit ang economic growth targets nito noong 2018 at 2019, habang bumagsak naman ito sa record-low noong 2020.