Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na mga kinauukulan sa national at local government na mas palakasin pa ang COVID-19 vaccine information at education campaign.
Sa kanyang regular na talk to the people briefing, sinabi ng Pangulo na layon nito na mas maraming mga Pilipino pa ang mahikayat na magpakuna kontra COVID-19 lalo na ngayon kumpirmadong nakapasok na sa bansa ang delta variants.
Ayon sa punong ehekutibo, napaka-halaga ng bakuna para mabawasan ang banta ng bagong variants.
Pinayuhan naman ng Pangulo ang mga taong ayaw magpabakuna na huwag na lamang lumabas ng bahay upang hindi na ito mahawa o kaya’y makahawa ng virus.
Samantala inatasan din ni Pangulong Duterte ang DILG partikular na ang PNP na mahigpit na bantayan ang pagpapatupad ng health protocols.
