LEGAZPI CITY – Muling nagpaalala ang Albay Provincial Veterinary Office sa publiko na sumunod sa Pet Ownership Ordinance, kung saan mandatory ang pagpaparehistro at pagpapabakuna sa mga alagang hayop lalo na ng mga aso sa kanilang mga barangay.
Sa kabila ng mga naitatalang pagtaas ng kaso ng rabies sa lalawigan, mataas ang kumpiyansa pa rin at positibo ang tanggapan na maaabot nito ang pagiging rabies free sa taong 2030.
Ayon kay Dr. Manny Victorino, head ng Animal Health & Regulatory Division ng tanggapan, kaisa sila ng Department of Health at ng Department of Agriculture sa pag-abot ng bansang malaya sa rabies.
Sinabi pa ni Victorino na hihigpitan pa nila ang mga programa upang tuluyan nang mawala ang kaso ng rabies sa tao at sa hayop.
Binigyang-diin din ng opisyal na kahit isang kaso lamang ang maitala sa isang lugar, maituturing na itong outbreak at sadyang nakakabahala lalo pa at wala pang nadidiskubreng gamot sa mga dinadapuan nito.