NAGA CITY- Nauwi sa sakitan ang pagpromote ng magkaibang brand ng cellphone sa isang mall sa Naga City.
Nangyari ito sa Barangay Triangulo bandang alas- 5:00 ng hapon kahapon Dec. 29, 2022. Nakasaad sa ulat ng PNP , nirespondehan ng pulisya ang commotion sanggkot ang biktima na 27-anyos na dalaga na residente ng Pasacao, Camarines Sur at suspek na 35-anyos na lalaking residente ng Naga City.
Ayon kay PMaj. Alex Sumayao , Station Commander ng Police Station 5, kompetensya sa brand ang naging rason. Pakiramdam ng dalaga sinisiraan ang produkto nila sa pamamagitan ng mga parinig. Nagkapikunan, naging mainit ang sitwasyon hanggang sa na-smashed ng suspek sa salamin ang ulo ng dalaga, nasipa pa sa paa, bumagsak at nasugatan.
Sa panayam naman ng BNFM sa lalaking suspek, aminado siyang may nasabi siyang kakulangan ng kabilang brand. Pero napuno siya sa babae dahil sa masasakit na mga salita laban sa kaniyang personal na pagkatao.
Ibinalik niya ang mga masasakit na salita sa babae pero iniyabang pa nito ang kaniyang incentives na nakukuha.
Ayon pa sa suspek, CCTV ang makapagsasabi ng buong pangyayari kung ano lamang ang ginawa niya sa babae. Sa huli, humingi ito ng tawad sa nasaktan.
Ayon kay Sumayao haharapin ng lalaki ang kasong Physical Injuries. Payo niya ang professionalism sa anumang trabaho.