Programang kahalintulad ng PUV Modernization, inirekomenda para sa mga mangingisda sa Panatag Shoal

Welcome para sa pamahalaang panlalawigan ng Zambales ang pagtanggap ng karagdagang pondo mula sa national government upang mapagkalooban ng modernong bangka ang mga mangingisda.

Sa public consultation ng House Joint Committee on National Defense and Security at West Philippine Sea sa Masinloc, sinabi ni Zambales Representative Jefferson Khonghun na titiyakin nila sa pagpasok ng budget deliberations na maibibigay ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ang kinakailangang tulong sa mga mangingisda.

Lumabas kasi sa pagdinig na maliliit na fiberglass boats na maganda lamang gamitin sa mga ilog ang ipinamamahagi ng BFAR sa mga taga-Masinloc hindi tulad sa bayan ng Subic na mayroong 20-foot boat.

Inirekomenda rin ni Santa Rosa City Representative Dan Fernandez ang implementasyon ng programa para sa mga mangingisda na kahalintulad ng Public Utility Vehicle o PUV Modernization Program.

Dito ay magco-consolidate ang mga mangingisda at bubuo ng mga kooperatiba upang makinabang sa loan mula sa Land Bank nang may mababang interes at tatanggap sila ng subsidiya mula sa national government upang magkaroon ng modernong fishing boats.

Kinumpirma naman ni Zambales Governor Jun Ebdane na mayroon na silang kaparehong programa kung saan limang milyong piso ang inilalaan sa bawat grupo ng mga mangingisda nang walang interes.

Ngunit mula sa animnapu’t limang clusters o mahigit 4,500 fisherfolk, tanging ang grupo mula sa bayan ng Sta. Cruz ang matagumpay na nakapag-organisa at nakatanggap ng financial assistance.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *