Makabayan lawmakers, duda sa motibo ng pagpapaimbestiga sa malawakang EJK at human rights abuses sa bansa

Naniniwala ang Makabayan Bloc sa Kamara na dinidiskartehan ni Davao City Representative Paolo Duterte na mabawasan ang atensyon sa umano’y madugong war on drugs ng nagdaang administrasyon nang isulong nito ang imbestigasyon sa malawakang human rights violations sa buong bansa.

Reaksyon ito ni Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel matapos maghain ng resolusyon si Duterte na layong siyasatin ang mga kaso ng extrajudicial killings at human rights abuses sa nakalipas na dalawampu’t limang taon hanggang sa kasalukuyan.

Ayon kay Manuel, kaduda-duda ang motibo lalo’t hindi umano maikakaila na tumaas ang insidente ng EJK at pang-aabuso sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Malinaw aniya na peke at kontra sa mahihirap ang war on drugs na nag-ugat sa “approach”, written guides ng Philippine National Police at verbal orders ng dating pangulo.

Tinawag din ni House Assistant Minority Leader Arlene Brosas na “ironic” ang pagpapaimbestiga ni Congressman Duterte dahil hindi katiwa-tiwala ang source.

Punto ni Brosas, hanggang ngayon ay hindi pa napapanagot ang mga may sala at hindi pa nakakamit ang hustisya para sa mga biktimang nagsilbing “collateral” sa drug war at mga indibidwal na nalabag ang kanilang karapatang pantao.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *