LEGAZPI CITY – Patuloy ang Department of Trade and Industry (DTI) Albay sa pagsasagawa ng price monitoring sa mga school supplies sa iba’t ibang tindahan mula nang ilabas ng central office ang Standard Retail Price (SRP) ng mga ito.
Ayon kay DTI Albay OIC Provincial Director Noel Bunao, lumalabas na sumusunod naman sa itinakdang SRP ang presyuhan ng mga school supplies sa lungsod ng Legazpi.
Aniya, mayroon ding pagtaas sa presyo ng ilang mga kagamitan sa klase ngayong taon dahil sa epekto din ng pagtaas ng presyo ng mga raw materials at gasolina.
Kabilang sa mga kagamitang tumaas ang presyo ay writing pad, papel at notebook, habang nakapagtala rin ng mas mababang presyo ngayong taon ang mga pangkulay o krayola.
Binigyang-diin ng ahensya, sakali mang may tindahang lumabag ay magpapalabas ng letter of inquiry upang magpaliwanag.
Nagpaalala naman ito sa mga mamimili na maging mapanuri sa kalidad ng mga produkto at tiyaking ligtas ang mga ito na gamitin ng mga bata.