Nanawagan si Pope Francis kay Russian President Vladimir Putin na tigilan na ang tinawag niyang spiral of violence and death sa Ukraine.
Direktang tinukoy ng Santo Papa si Putin sa kanyang mensahe kasabay ng pagkondena sa annexation sa ilang rehiyon ng Ukraine dahil labag aniya ito sa international law.
Umapela din si Pope Francis kay Putin na isipin din ang kapakanan ng kanyang mga tauhan sa sinasabing “escalation”.
Ayon sa report, ito ang kauna-unahang direktang pag-apela ni Pope Francis kay President Putin mula nang lusubin ng kanyang mga tauhan ang Ukraine.
Tinawag na “absurd” ng Santo Papa ang pagharap ng mundo sa pinangangambahang nuclear conflict kaya naman sa pangalan aniya ng Panginoon ay dapat nang matigil ang anumang hindi pagkakaunawaan.
Sa kabilang banda, nanawagan din si Pope Francis kay Ukraine President Volodymyr Zelensky na maging bukas sa anumang peace proposal sa kabila ng mga nangyari.
