Inanunsiyo ng Philippine National Police (PNP) na nagsimula na silang tumanggap ng mga aplikasyon para sa exemption sa paparating na election gun ban.
Sa isang pahayag, sinabi ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos na tutulong ang kapulisan sa Commission on Elections (Comelec) sa pagproseso sa mga Certifications of Authority na ihahahain para sa mga kandidato.

Ang PNP umano ang mag-a-assess sa antas ng banta sa buhay ng isang political aspirant.
Pagkatapos ng assessment ang PNP din ang mag-e-endorse para aprubahan ang aplikasyon kung kinakailangan, sa pamamagitan ng Joint Security and Control Center (JSCC).
Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 10728, magsisimula ang gun ban at pagtanggal ng mga security detail ng mga kandidato mula January 9 hangang June 8, 2022.