CAMARINES NORTE- Patuloy ngayon ang isinasagawang hot pursuit operation ng kapulisan para sa ikahuhuli sa mga responsable sa pagdukot sa caretaker ng isang resort sa Barangay Cayucyucan, Mercedes, Camarines Norte kahapon.
Sa isang pahayag, hiningi ni Camarines Norte PNP Provincial Director PCol Julius Guadamor ang kooperasyon at pakikipagtulungan ng lahat para sa kung sinuman ang makakapagbibigay impormasyon at makakapagturo ng lokasyon ng ginamit na sasakyan at ng mga sakay nito.
Batay sa ulat ng CNPPO, ang nasabing insidente ng pagdukot ay ipinaabot ni Punong Barangay Felix Abanto sa pamamagitan ng isang tawag sa cellphone.
Ayon umano sa salaysay ng mga nakakita sa insidente, pwersahang dinukot ng humigit kumulang anim na kalalakihan na pawang mga nakasuot ng facemask at armado ng mga maiikling baril ang biktimang si Rico na kilala rin sa lugar sa tawag na “Engkoy” 41, at pwersahang isinakay sa Nissan Escapade Van na kulay puti at may plakang ABA 8869.
Matapos na maisakay ang biktima ay agad na humarurot palayo ang nasabing sasakyan sa direksyon patungong Camarines Sur.
Lumalabas pa sa inisyal na imbestigasyon ng PNP batay na rin sa salaysay ng assistant caretaker ng nasabing resort na minsan noong taong 2018, nang nakatanggap ang biktima ng tawag sa cellphone mula sa isang nagpakilalang miyembro ng CPP-NPA na diumano’y nangingikil ng malaking halaga ng pera bilang revolutionary tax para sa operasyon ng resort na posibleng naging sanhi ng pagdukot sa biktima.
Ang bagay na ito ay kinumpirma rin ng assistant caretaker sa hiwalay na panayam ng Brigada News FM Daet.
Nakipag ugnayan na rin ang kapulisan ng Camarines Norte sa iba pang kalapit na probinsya upang makatulong sa pagsasagawa ng follow-up at hot pursuit operation.
Tiniyak naman ni Col. Guadamor na nakaalerto ang kapulisan sa buong probinsya para sa ikalulutas ng naturang insidente ng pagdukot.
