SORSOGON CITY – Pinuri ni PLt. Gen. Vicente Danao Jr. ang mga operatiba ng Sorsogon 1st Provincial Mobile Force bilang lead unit at Casiguran Municipal Police Station (MPS) kasunod ng pagsurender sa mga ito ng dalawang kadre ng New People’s Army.
Ayon dito, pinangasiwaan ng 1st PMFC at ng Casiguran MPS ang pagsurender nina Maria Hamor Borjal alias Max, 63-anyos at Carmen Hara Hayno, alias Jaz, 68-anyos, kapwa miyembro ng Militia ng bayan, SAMACA, Sangay ng Partido sa Lokalidad, Larangan 1, Komite Probinsyal 3.
Sa isang pahayag, sinabi nito na kapuri-puri ang mga nabanggit na operatiba ng pulisya na buong sigla na nagsumikap upang wakasan ang problema sa insurhensiya sa Rehiyong Bicol.
Kasabay nito, nanawagan ang Chief PNP sa iba pang nasa ‘underground’ na kilusan na ibaba na ang kanilang mga armas at magbalik-loob na sa pamahalaan.
Sa ngayon, si Borjal at Hayno ay nasa kostudiya ng 1st PMFC at sumasailalim sa assessment at profiling para sila ay ma-enroll sa ilalim ng E-CLIP.
