Bumisita ngayong araw si Police General Guillermo Eleazar sa Quirino Police Provincial Office sa Camp Captain upang kumustahin ang kalagayan ng kapulisan at personal na iabot ang parangal sa mga deserving PNP Personnel.
Bago ang pagtungo ng Heneral sa QPPO ay binista muna nito ang Cabarroguis Police Station upang alamin kung tumatalima ang kapulisan sa kanilang mandato at sa ipinatutupad na Intensified Cleanliness Policy (ICP) ng PNP.
Sinalubong naman ang PNP Chief nina PRO2 Regional Director PBGen. Steve Ludan, Provincial Director PCol. Rommel Rumbaoa at iba pang opsiyal.
Personal na iniabot ni Gen. Eleazar ang Medalya ng Kagalingan sa mga hepe ng Municipal Police Stations na sina PCapt. Reynold Gonzales, PMaj. Eric Caesar Rumbaoa, PLt. Richard Angel, PCMsgt. Glomar Antonio at PCapt. Joel Guinobang dahil sa pagkakaaresto sa mga top most wanted person sa rehiyon.
Ipinagpapasalamat naman ni PD PCol. Rumabaoa ang pagbisita ni PNP Chief Eleazar sa kanilang himpilan na makatutulong sa pagpapataas ng kanilang moral.
Inihayag din nito na patuloy nilang susuportahan ang mga programa ng PNP kaagapay ang mga komunidad.
Binigyang-diin naman ni Gen. Eleazar sa kaniyang pahayag ang kahalagahan ng pagpapatupad ng mga polisiya sa hanay ng kapulisan. Muli rin nitong ipinaalala ang pagpapanatili ng kalinisan sa mga himpilan ng pulisya para makuha ang respeto, tiwala at kumpiyansa ng mamamayan.