Dinalaw ni Philippine National Police chief Gen. Rodolfo Azurin ang Calabarzon regional office para ipaliwanag ang panawagan para sa mga top officials na magsumite ng kanilang courtesy resignations bilang bahagi sa anti-drug campaign ng gobyerno.
Kaugnay nito, inilatag din ni Azurin ang mga polisya at guidelines sa kanyang isinawagang talk sa mga police personnel.
Pinasalamatan din nito ang mga opisyal na tumalima sa apela ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr para sa courtesy resignations.
Giit nito, nais niyang ipaunawa na ang kanilang hakbangin na ito ay hindi para pahirapan o ibaba ang moral ng bawat isa, at batid din umano niyang ang iba ay nalungkot at naguluhan sa pangyayari ngunit ito umano ay para sa ikakabuti ng organisasyon.
Para kay Azurin, dapat lamang na maging magandang halimbawa ang mga matataas na opisyal sa mga subordinates upang sila umano ang pamarisan nila.
Sa huli, nangako ito na bago siya magretiro sisikapin umano niyang malinis ang imahe ng organisasyon upang matapos na o kung hindi man ay mabawasan ang droga sa ating bansa.
