BNM BICOL— Patuloy pa rin sa pamamahagi ng ayuda ang PNP sa lalawigan ng Catanduanes partikular sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ng Catanduanes 1st PMFC ang isinagawa nilang pamimigay ng food packs sa Brgy. Benticayan sa bayan ng Baras kung saan laman nito ang bigas at mga de lata para sa mga napiling benepisyaryo.
Labis naman ang pasasalamat ng mga nakatanggap ng nasabing ayuda lalo na at malaking tulong umano ang mga ito upang makadagdag sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan.
Samantala, sinabi naman ni Police Lieutenant Colonel Rodel Pescuela, Force Commander ng Catanduanes 1st Provincial Mobile Force Company na layunin ng kanilang programang maiabot sa mga lubhang nangangailangan ang kanilang serbisyo sa islang lalawigan.###