Nakakuha ng spot sa Tokyo Olympics ang Southeast Asian games gold medalist na Taekwondo jin na si Kurt Barbosa matapos nitong talunin ang kinatawan ng Jordan na host country sa sinalihan nitong kompetisyon.
Nagtapos sa 50-49 ang laban ng 21-anyos na Pinoy sa Jordanian na si Zaid Al-Halawani.
Hindi naging madali para kay Barbosa ang nasabing laban lalo na at malaki ang lamang ng kalaban nito sa huling one minute at 14 seconds ng kanilang laban sa score na 28-41.

Si Barbosa na ang ika-siyam na Pinoy na nag-qualify para sa Tokyo Games.
Makakasama nito sa Tokyo ang pole-vaulter na si EJ Obiena, gymnast na si Caloy Yulo, mga boksingero na sina Eumir Marcial, Irish Magno, Nesthy Petecio, at Carlo Paalam, 2016 Rio Olympics weightlifting silver medalist Hidilyn Diaz, at rower na si Cris Nievarez.