BICOL – MARIING pinabulaan ngayon ng Department of Education o Deped-Bicol ang impormasyon kaugnay sa pagpapatupad diumano ng “No vaccine, No salary” sa hanay ng mga kaguruan sa bansa.
Ayon kay Deped-Bicol Regional Director Gilbert Sadsad, walang ganitong kautusang ibinababa ang central office at nananatiling hindi “mandatory” ang pagpapabakuna.
Maituturing din umanong paglabag sa karapatan ng mga kaguruan ang hindi pasahurin dahil lamang hindi pa bakunado.
Dagdag pa nito, kung sakaling magkakaroon ng ganitong polisiya ay maghihintay pa umano sila ng official order at implementing guidelines mula sa Deped central office at IATF.
Sa kabila nito, patuloy ang paghikayat ng opisyal sa mga teaching at non-teaching personnel sa rehiyon na makiisa sa nagpapatuloy na bakunahan lalo na’t unti unti nang nagbabalik ang face to face classes.
Naniniwala ang opisyal na ang pagbabalik ng ganitong mode of learning ay magandang senyales na ang bansa ay unti unti nang nakakarekober pero dahil nagpapatuloy ang banta ng pandemya ay dapat umanong maging prayoridad ang proteksyon at kaligtasan ng mga kaguruan, estudyante at kanilang mga magulang.
Samantala, inihayag din ng opisyal na makalipas ang ilang araw buhat ng isagawa ang 3-day national vaccination ay tinatayang nasa 70% ang vaccination rate sa kanilang hanay at target na maitaas pa ito at maabot ang target na 90% sa lalong madaling panahon.
Patuloy din ang apela ng Deped sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak na edad 12 hanggang 17-anyos sa nagpapatuloy namang pediatric vaccination ng DOH.