CAMARINES NORTE- Inihayag ni Acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na wala pa sa “critical status” ang lalawigan ng Camarines Norte sa COVID- 19.
Sa isinagawang Operational Period Briefing kahapon, nilinaw ni Francisco na parang hindi tugma sa kategorya ng Department of Health (DOH) ang pagsasailalim sa lalawigan sa “Alert Level 3” status dahil marami pa naman aniyang kama para i- accommodate ang mga COVID patients.
Mayroon din umanong walong itinalagang mga mga karagdagang nurses na sumailalim sa pagsasanay sa bagong ICU covid ward na maaaring nang gamitin matapos na malagyan ng mga ventilators, batay sa ulat ng Provincial Information Office na sinabi umano ng doktor.
Inihahanda na rin umano ang One Hospital Command Center na magsisilbing monitoring ng mga data na ibabato ang lahat ng mga impormasyon na makukuha kasama na rin sa pribadong hospital.
Matatandaan na sa hiwalay na panayam ng Brigada News FM Daet noong nakaraang linggo sinabi ni Francisco na nai-istabilize naman ng probinsiya ang mga naitatalang kaso ng COVID- 19.
Sa katunayan aniya, mula sa 400 aktibong kaso noon ay napababa ito sa halos 200.
Batay sa ulat ng Department of Health (DOH) kahapon sa 1, 493 kabuuang kaso ng sakit na naitala sa lalawigan ay mayroon ito ngayong 274 na aktibong kaso.
Sa healthcare utilization report kahapon, nasa 75 sa 127 COVID beds ang nagamit o 59 % .
Nasa 60 % naman ang nagamit sa isolation at COVID ward beds kaya ito ay nasa moderate level na.
Pagdating naman sa ICU beds ay 33 % ang nagamit habang wala naman sa mechanical ventilators.

