Inanunsyo ng Commission on Higher Education na sa January 31 na ang implementasyon ng limitadong face-to-face classes sa lahat ng higher education institutions na nasa ilalim ng COVID-19 Alert Level 3.
Sa isang pahayag ay sinabi ng CHED na ito ang inirekomenda ng public health services team ng Department of Health sa gitna ng mabilis na pagsipa ng COVID-19 cases sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3.
Ipinunto naman ng commission na pwedeng simulan ng mga unibersidad at kolehiyo na nasa ilalim ng Alert Level 2 ang kanilang limitadong face-to-face classes anuman oras.
Iginiit ng ahensya na hindi na kailangan ng HEIs na magpasa ng application sa CHED para sa pagsasagawa ng limitadong face-to-face classes.
Pero paalala ng ahensya, dapat ay handa ang mga institusyon sa mga responsibilidad para sa reopening ng kanilang campuses base sa kanilang kakayahan na sumunod sa health at safety protocols, mag-retrofit ng kanilang mga pasilidad, at kumuha ng suporta mula sa kanilang stakeholders.
