Inamin ng kinatawan ng Pharmally Pharmaceutical Corporation, sa ilalim ng pagtatanong ni Senator Richard Gordon, na posibleng na-swindle o naloko ng kompanya ang gobyerno.
Inihayag ito ni Pharmally regulatory affairs head Krizle Mago sa gitna ng pag-iimbestiga ng Senado sa mga face shields na nai-deliver sa mga health workers kung saan ay pinapalitan ng kompanya ang mga orihinal na expiration dates na nakalagay sa mga ito.

Bago yan ay kinumpirma ni Mago ang alegasyon ng isang staff umano ng warehouse ng Pharmally na pinapalitan ng mga ito ang certificates sa mga face shields na may petsa noong 2020 sa mga bagong certificates na may petsa ngayong 2021.
Sinabi ni Mago sa mga senador na ipinarating niya na noon sa management ang naturang problema, at ang pagpalit ng certificates ang ibinigay na solusyon sa kanila, na bagay na hindi niya maitatanggi.
Agad naman itinuro ni Mago si Mohit Dargani na corporate secretary at treasurer ng Pharmally, nang siya ay matanong kung sino ang nag-utos na palitan ang expiration dates na makikita sa face shields.