PH, nagtala ng 256 ng bagong COVID-19 variant cases

Iniulat ng Department of Health na nadetect sa bansa ang 256 na bagong kaso ng COVID-19 variant.

Ang bagong infections ay mula sa apat na COVID-19 variants, batay sa genome sequencing ng DOH, Philippine Genome Center, at ng University of the Philippines-National Institutes of Health.

Mahigit kalahati ng bagong variant infections, o 132 cases, ay mula sa Alpha variant, dahilan para tumaas ang total national case tally ng B.1.1.7 variant sa 1,217, habang 119 na karagdagang kaso naman ay mula sa Beta variant o ang B.1.351 variant, na ngayon ay nasa 1,386 na sa kabuoan.

Sa kabilang banda, nadetect ng DOH ang tatlong bagong local infections na may Theta variant, bagama’t hindi pa ito identified bilang variant of concern dahil kailangan pa ng maraming datos para masabing ang variant ay mayroong significant public health implications.

Samantala, naiulat rin ng DOH ang dalawang karagdagang Delta variant cases, dahilan para tumaas sa 19 kaso ang kabuoang kaso nito sa bansa.// MHEL PACIA-TRINIDAD