PH, muling nakikilala sa international community matapos mapabilang si PBBM sa “Most Influential” ng TIME

Naniniwala si House Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. na nagsisimula nang kilalanin ng world community ang Pilipinas matapos mapabilang si Pangulong Bongbong Marcos sa 100 Most Influential People in 2024 ng TIME Magazine.

Ayon kay Gonzales, isa itong pagkilala sa bansa at sa uri ng liderato at pamamahala na ipinamamalas ni Pangulong Marcos.

Nakikita na aniya ng maraming bansa ang pagsisikap ng pangulo na iahon ang Pilipinas mula sa economic underdevelopment at kahirapan at sa pagpupursige ng bagong approach sa foreign relations.

Punto ni Gonzales, hindi dapat masayang ang pagkilalang ito kaya makabubuting tulungan na lang ang mga leader na ayusin ang bansa at ang buhay ng mamamayan.

Panawagan ng kongresista, suportahan ang adbokasiya ni Pangulong Marcos na tanggalin ang restrictions sa Konstitusyon hinggil sa pagpasok ng foreign investments na pinaniniwalaan nitong magpapabilis sa kaunlaran.

Mababatid na binanggit ng TIME ang paninindigan ni Pangulong Marcos laban sa pagiging agresibo ng China sa West Philippine Sea at ang post-COVID-19 recovery programs na nagbukas ng oportunidad sa bansa na panatilihin ang paglago ng ekonomiya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *