Napagdesisyunan umano ng isang grupo mula sa Department of Science and Technology na bumuo ng sariling ivermectin dose ng Pilipinas, upang hindi na bumili ang bansa ng regular formula para sa controversial anti-parasitic drug, na isinusulong ng ilang sektor bilang gamot para sa COVID-19.
Ayon kay DOST Undersecretary Rowena Guevarra, ang ivermectin capsule ay gagawin sa University of the Philippines (UP) Manila College of Pharmacy.
Dagdag ni Guevarra, ang desisyon ng study team ay kasunod ng pagkaantala sa international clinical trial sa ivermectin dahil sa ilang revisions sa study protocols.
Sinabi ng opisyal na ang international study sa ivermectin, kung saan participant ang Philippine team ay naglalayung ma-assess ang efficacy, kaligtasan at epekto ng gamot sa viral clearance ng asymptomatic, at non-severe COVID-19 cases sa isolation facilities.
Sa gitna nito, sumailalim na ang project team sa protocol revision.

Paliwanag nito, ang Philippine team ay bahagi ng international ivermectin consortia sa pangunguna ng University of Liverpool sa England, kaya sa ang pagbabago na ginawa ay kailangan munang ipa-apruba mula sa Food and Drug Administration.
Pero sa kabila nito, handa na ang Pilipinas para sa trial. //MHEL PACIA-TRINIDAD