Patuloy na sinusubaybayan ng Philippine Embassy sa Tel Aviv ang sitwasyon ng ating mga kababayan sa Israel kasunod ng preemptive strike ng Israel Defense Forces laban sa Hezbollah kahapon ng madaling araw.
Walang Pinoy na naiulat na nasaktan kasunod ng rocket fire ng Hezbollah.
Matapos ang mga pag-atake, agad na nakipag ugnayan ang Embahada sa mga Filipino community leaders sa hilagang Israel at patuloy na nakikipag ugnayan sa kanila upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng ating mga kababayan sa kanilang mga lugar.
Inulit ng Embahada ang payo nito sa mga Pilipino sa Israel na unahin ang kanilang kaligtasan sa lahat ng oras, laging handang pumunta sa isang shelter kung kinakailangan, at mahigpit na sundin ang mga alituntunin sa seguridad ng IDF at ang mga update ng Embahada.
Ang mga Pilipinong nangangailangan ng agarang tulong ay maaring tumawag sa hotline number ng Embahada.