BNFM BICOL— Ipinanawagan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council o PDRRMC-Catanduanes sa lahat ng mga mangingisda sa islang probinsya, na huwag munang makipagsapalaran sa karagatan dahil lubha pa itong mapanganib lalo na sa mga maliliit na sasakyang pandagat.
Sa panayam ng BNFM Bicol kay PDRRMC Catanduanes Head – Jerry Beo, nauunawaan niya umano ang dahilan ng mga mangingisda na kinakailangan nilang pumalaot at maghanap buhay dahil kung hindi ay wala silang kakainin.
Ganunpaman sinabi ng opisyal, na kung mananatili ang mga ito sa lupa at hindi muna magpapalaot, mas makakagawa ang mga ito ng paraan upang mairaos ang ilang araw na hindi sila mangingisda lalo na at mas importante aniya ang buhay kaysa sa anumang bagay.
Ang naturang pahayag ay ginawa ni Beo, makaraang maitala ang sunod-sunod na insidente sa karagatan na kinasasangkutan ng mga mangingisda sa lalawigan.
Nitong November 30, anim na mga mangingisda mula sa bayan ng Viga ang nawala sa laot kung saan dalawa sa mga ito ang nakaligtas at apat ang natagpuang wala ng buhay.
Anim rin na mga mangingisda mula sa Baras ang nawala kung saan ang isa sakanila ay nakaligtas at napadpad sa isla ng Rapu-rapu sa Albay habang ang lima naman ay hindi pa matagpuan at kasalukuyan pang pinaghahanap.
Kahapon, may naiulat din ang MDRRMO-Virac na dalawang mga mangingisda mula sakanilang bayan ang posible umanong nawawala rin makaraang hindi makabalik sa takdang oras. Ang mga ito ay residente ng Brgy. Ibong Sapa at San Vicente.
Sa ngayon, ay nagpapatuloy ang search, rescue and retrieval operation sa mga nawawalang mangingisda sa probinsya, ngunit pahirapan na rin ang pagsasagawa ng naturang operasyon dahil sa lakas ng alon sa dagat na posibleng maglagay din sa alanganin para sa buhay ng mga rescuers.###