PCL assembly at elections na gaganapin ngayong araw off- limits sa ibang tao, seguridad sa aktibidad tiniyak ng DILG

Inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi papayagang pumasok sa venue ang ibang tao na hindi kasali sa Philippine Councilor’s League (PCL) assembly and elections na gaganapin ngayong araw.

Alinsunod ito sa section 3 ng PCL Comelec- Camarines Norte Resolution No 1- 2022.

Ang PCL -Comelec ay binubuo ni DILG Provincial Director Ray Caceres bilang Chairman at ang dalawang miyembro ay sina SP acting Secretary Josephine Badong at interim PCL President Amie Oco.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Local Government Operations Officer VII at PCL Comelec Head Secretariat Jerwin Novio, inihayag nito na bawal ang mga miyembro ng media sa loob gayundin ang mga incumbent elective officials.

Ang papapayagan lang umanong pumasok sa venue ay ang mga konsehal na boboto, PCL Comelec at secretariat at ang national representative ng PCL.

Papayagan lang ang media coverage pagkatapos na maiproklama ang nanalong PCL President.

Mayroong 121 na miyembro ang PCL sa Camarines Norte at kailangan ang bilang na 60 para magkaroon ng quorum.

Wala umanong mangyayaring eleksyon kung walang quorum.

Mayroong 15 posisyon ang ihahalal sa PCL mula Pangulo hanggang Business Managers at walong Board of Directors kung saan dalawang grupo ang maglalaban.

Ito ay ang grupo ni Labo Councilor Rey Kenneth Oning na kilalang kaalyado ng kasalukuyang administrasyon at Jose Panganiban Councilor Grace Villablanca na kaalyado naman ng dating Gobernador.

Ayon kay Novio walang tatanggaping pre- proclamation protest at tuloy- tuloy lang ang proseso ng eleksyon.

Maaari lang mag protesta kapag natapos na ang proklamasyon hanggang tanghali ng susunod na araw, Agosto 4 na reresolbahin naman ng PCL Comelec.

Ang bagay na ito ay pwede ring iakyat sa PCL national sakaling hindi pabor sa naghain ng protesta.

Mahalaga rin ang gagampanang papel ng PCL national representative dahil ito ang mag- ooversee at hindi pwedeng gawin ang eleksyon kung wala ito.

Tiniyak naman ng DILG ang seguridad sa aktibidad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *