Kasado na ang mga patong-patong na kasong ihahain laban sa isang drayber sa Naguilian, Isabela matapos itong ma-timbog ng mga awtoridad, kahapon, ika-15 ng Enero.
Nahaharap si alyas “Dave”, 23-anyos, sa mga kasong paglabag sa Sec 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002, Attempted Robbery, at Direct Assault.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, nakatanggap ng report ang PNP Naguilian na may nangyaring panloloob sa isang bahay kung saan inilarawan ng biktima ang pagkakakinlanlan ng suspek na tumakas papunta sa Poblacion area.
Mabilis namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga kapulisan para mahuli ang naturang suspek.
Kaugnay nito, nang natunton ng mga pulis ang kinaroroonan ng suspek, natunugan ito ni Dave kaya sinubukan niyang tumakas. Nanlaban din ito at tinangkang agawin ang baril ang mga pulis subalit matagumpay din itong nahuli.
Samantala, nagsagawa ng body search ang mga pulis sa suspek at nakita sa kaliwang bulsa ng kaniyang pantalon ang hinihinalang shabu.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng PNP Naguilian ang suspek para sa tamang disposisyon at dokumentasyon.