Nilinaw ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na ang probisyon na nagbibigay ng exemption sa mga bigong maghain ng tax returns mula sa kahit anong penalties, ay naalis lamang noong 1992.
Ipinunto ni Dominguez na ito ang klase ng batas na applicable para sa 1983-1985 taxable years.
Nanawagan naman ang Finance chief sa media na tumulong sa pag-educate sa publiko oras na magkaroon ng kalituhan kaugnay sa pinutol na bahagi ng ruling ng Comelec.
Inihayag ito ng kalihim matapos kumalat sa social media ang bahagi ng ruling ng Commission on Elections’ First Division na nagbasura sa disqualification cases laban kay Ferdinand Marcos Jr.
Sa nasabing bahagi ng ruling na pirmado ni Commissioner Aimee Ferolino, ay sinabi na ang kabiguan na magbayad ng tax returns ay hindi “inherently wrong” dahil sa kawalan ng batas na nagpapataw ng parusa para rito.
Nag-ugat ang petisyon para sa diskwalipikasyon ni Marcos mula sa conviction laban sa kaniya ng Quezon City court dahil sa hindi pag-file ng income tax returns mula 1982-1985.
